Nagbabala ang ilang mga senador sa mga Pilipino kaugnay ng pamumuhunan sa mga cryptocurrency.
Paalala ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, dapat alalahanin ng publiko na palaging magpatupad ng self-restraint o pagpipigil sa sarili pagdating sa nasabing usapin.
Binigyang diin ng senador na alam naman na hindi tunay at hindi pa legal sa ating bansa ang cryptocurrency kaya naman kinukwestyon niya kung bakit isinusugal ang pinaghirapang pera para sa ganitong mga produkto.
Payo naman ni Senator Sherwin Gatchalian, kung hindi nauunawaan ang cryptocurrency ay huwag na sana itong pasukin at iginiit na wala itong kaibahan sa casino.
Ipinaliwanag pa ng mambabatas na hindi pa regulated sa ating bansa ang cryptocurrency at wala ring kasiguraduhan kung saan napupunta ang perang pinapasok dito ng mga Pilipino.