Inamin ni Senator Sherwin Gatchalian na may pangamba na mabuwag ang Senado sakaling hindi malinaw ang pagkakalatag ng aamyendahang probisyon sa Saligang Batas.
Binanggit ng senador ang bersyon ng Kamara sa Charter Change (Cha-Cha) kung saan hindi malinaw na nakasaad sa isinusulong na pagpapatawag ng Constitutional Convention (ConCon) kung anong probisyon ang babaguhin.
Sa bersyon din ng Kamara ay pinangangambahan na pati ang political provisions ay magalaw kung saan maaaring mabuwag ang Senado at magkaroon ng iisang Kongreso o unicameral legislature.
Hindi aniya katulad sa inihain niyang resolusyon para sa Cha-Cha na klarong nakasaad dito na apat lamang ang mga economic provisions na aamyendahan, ang education, media, advertising at national patrimony.
Kung siya mismo ang tatanungin, isa lamang ang paglusaw sa Senado na kanyang ikinakabahala idagdag pa rito ang pagbabago ng porma ng gobyerno, at pagkasira ng economic activity.
Dagdag pa ni Gatchalian, wala namang banta na bubuwagin ang Senado pero hindi maaalis na posible ito kapag ang political provisions na ng Konstitusyon ang inamyendahan.