Ilang senador, nabahala sa ipinakitang larawan ng AFP sa pagdinig tungkol sa red-tagging

Nabahala ang ilang senador matapos ipresinta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga litrato ng mga umano’y ni-recruit at pinaslang ng New People’s Army (NPA) sa pagdinig tungkol sa isyu ng red-tagging.

Ayon kay Senator Risa Hontiveros, hindi tamang ipakita ang mga litrato ng mga ito lalo na’t sila ay patay na at hindi na madedepensahan ang kanilang sarili.

Ngunit ayon kay Senator Panfilo Lacson, parte ito ng diskusyon at presentasyon ng AFP.


Iginiit naman ni Senator Francis Pangilinan na hindi lahat ng estudyanteng aktibista ay nagiging miyembro ng NPA.

Aniya, naging student activist silang dalawa ni Senator Hontiveros noong administrasyong Marcos pero ngayon ay senador na sila.

Samantala, bigong nakadalo ang Makabayan Bloc sa nasabing pandinig pero nagbigay sila ng sulat kay Senator Lacson at sinabing huwag nang gamitin pa ang Senado para mas lalo pang pahintulutan ang nangyayaring red-tagging.

Dagdag pa nila, inilalagay lamang ng mga ito sa panganib ang buhay at kaligtasan ng mga lider at miyembro ng mga progresibong organisasyon.

Facebook Comments