Hindi nagustuhan ng ilang senador ang pahayag ni Senator Ronald Bato Dela Rosa na hindi maiwasan na may inosenteng madamay sa mga police operations.
Giit ni Senator Kiko Pangilinan, hindi ito dapat tanggapin bilang realidad at sa halip ay kondenahin at panagutin ang mga nagkasala upang hindi na maulit ang pagkamatay ng isang bata sa operasyon ng pulisya.
Katwiran naman ni Senator Panfilo Ping Lacson, walang puwang ang kawalan ng pakialam sa nangyaring pagkamatay ng isang 3-taong gulang na bata na ginawang panangga lang ng ama niyang nakipagbarilan umano sa mga pulis.
Diin ni Lacson, ang ganitong mga insidente ay dapat agad imbestigahan upang maitama ang mga pagkakamali sa operasyon at mapanagot ang mga nagkaroon ng sablay.
Para naman kay Senator Leila De Lima, nangyayari ang mga kapalpakan sa operasyon ng pulisya dahil ang kasalukuyang mga lider o opisyal ng gobyerno ay higit na gangsters kumpara sa mga otoridad.
Sabi naman ni Senator Risa Hontiveros, ang mga sablay sa police operations ay patunay na dapat nang ibasura ang war on drugs.