Nakiusap na ang ilang mga senador na tigilan na ang pag-iintriga tungkol sa pagpapalit ng Senate leadership.
Kung mapapansin, tuwing naka-recess ang sesyon ay saka naman lumulutang ang isyu ng pagpapalit sa liderato ng Senado na hindi naman matukoy ng mga mambabatas kung kanino nagmula.
Ayon kay Senator Imee Marcos, wala namang nakarating sa kanya na pag-uusap ng mga senador tungkol sa kudeta sa pamunuan ng Mataas na Kapulungan.
Giit ni Marcos, tigilan na ang intrigang coup plot kay Senate President Juan Miguel Zubiri at maraming trabaho sa Mataas na Kapulungan na mas dapat tutukan.
Pinabulaanan din ni Senator Nancy Binay ang kumalat na alingawngaw sa Senado kasabay ng apela na huwag nang i-entertain ang ganitong mga intriga na hindi naman nakakatulong sa Senado.
Ang masasabi lamang ni Binay ay masaya at nalulugod sila sa kasalukuyang leadership at lahat silang mga mambabatas ay magpapatotoo na ibinibigay nila ang ‘trust and confidence’ kay SP Zubiri.
Nauna rito ay marami nang senador ang pinabulaanan ang nasabing tsismis ng pagpapalit sa Senate Leadership kabilang na si Senator Jinggoy Estrada na napabalitang hahalili kay Zubiri bilang Senate President.