Hinimok ng ilang mga senador ang mga kritiko ng pamilyang Marcos na mag-move on na sa gitna ng paggunita ng ika-50 taon ng Batas Militar.
Para kina Senator Jinggoy Estrada at Robinhood Padilla, hindi kailangang humingi ng paumanhin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa ipinatupad na Martial Law ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sinabi ni Padilla na kung may kasalanan man ang dating pangulo ay hindi ito nangangahulugan na may kasalanan ang anak na inihambing pa ng senador sa Bibliya na ang naging kasalanan nila Adan at Eba ay hindi kasalanan ng sangkatauhan.
Kung hindi pa rin aniya nakakaalis ang ilan sa isyu kaugnay sa mga Marcos at sa Martial Law ay papaano na lamang aniya tayo susulong o uunlad.
Sa panig naman ni Estrada ay dapat na mag move-on na dahil mayorya ng mga Pilipino ang sumusuporta at bumoto sa kasalukuyang pangulo.
Sang-ayon naman ang senador na bigyang pagkakataon ang mga biktima ng martial law na kilalanin at ilahad ang kanilang mga sama ng loob.
Sa ganitong paraan aniya ay posibleng mapagkaisa pati ang mga kontra sa administrasyon at malaking tulong ito para mapagtagumpayan ni Pangulong Marcos ang pamamahala sa bansa.