Ilang senador, pabor sa pagtatalaga ng mga babaeng pulis bilang desk officers

Kinatigan ng ilang mga senadora ang plano ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na i-tap o italaga ang mga babaeng pulis bilang mga desk officer sa mga istasyon sa Metro Manila.

Kaugnay na rin ito sa naging resulta ng pag-aaral ng NCRPO na marami sa mga lalaking pulis na naitatalaga sa front desks ay may ugali na maging mainitin ang ulo at wala ring pasensya sa mga complainant na humihingi ng tulong sa mga awtoridad.

Umaasa si Senator Grace Poe na ang pagtatalaga sa women cops bilang front desk officers sa mga police station ay maging solusyon sa napakaraming kaso ng mga hindi naire-report at hindi naitatalang gender-based violence.


Ngunit ayon kay Poe, hindi dapat matigil ang NCRPO na gawin ang lahat ng paraan para ang mga lalaking pulis ay mas maging ‘gender-sensitive’ sa pagharap sa mga reklamo at mga kaso.

Umapela naman si Senator Risa Hontiveros na hindi sana i-“type cast” o limitahan sa posisyong “customer relations” ang mga babaeng pulis.

Sinabi ni Hontiveros na sa kahit anong papel o gampanin ay kayang-kayang umangat ng mga babae kung mabibigyan lamang ng pagkakataon at isa aniya rito ang pag-asa na magkaroon din ng kauna-unahang PNP chief na babae.

Umaasa ang senadora na ang mga babaeng kasapi na ng PNP ay makatutulong para mas maging makatao, inclusive at rights-based ang pag-uugali at pakikitungo ng mga pulis sa kabuuan.

Facebook Comments