Ilang senador, pinayuhan ang COMELEC na maging alerto sa posibilidad na may mga tulad ni Alice Guo na maghahain ng kandidatura sa 2025 Elections

Inalerto ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang Commission on Elections (COMELEC) na maging mapagbantay lalo na sa posibilidad na maaaring may iba pang tulad ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang kakandidato sa 2025 midterm elections.

Ayon kay Tolentino, kailangang maging alerto ang COMELEC sa mga ganitong posibilidad kahit pa matatawag na ministerial lang ang kanilang tungkulin sa pagtanggap ng mga certificates of candidacy (COC).

Bukod sa COMELEC ay mahalaga ring tumulong ang publiko at ang intelligence community kapag may mga kahalintulad na impormasyong makukuha.


Samantala, para kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, hindi dapat ito ikabahala o ika-panic dahil tiyak naman na may mga remedyong inilatag dito ang COMELEC.

May mga adjustments aniyang inilagay ang komisyon upang maiwasan na may isang dayuhan ang tatakbo sa public office.

Sinabi pa ni Pimentel na tulad ng kaso ni Alice Guo ay hindi ito “worth it” dahil ang isang hindi kwalipikadong indibidwal ay nakatakdang mawala rin ang lahat sa kaniya.

Facebook Comments