Ilang senador, suportado ang governance slogan ng Marcos administration na ‘Bagong Pilipinas’

Suportado nina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senator Chiz Escudero ang bagong governance slogan ng administrasyong Marcos na “Bagong Pilipinas”.

Ayon kay Villanueva, ang naturang slogan ay nagbibigay sa bansa ng malinaw na direksyon at layunin ukol sa nais makamit ng kasalukuyang pamahalaan.

Sinabi pa ni Villanueva na kaisa sila ni Pangulong Bongbong Marcos sa pagtitiyak ng pamahalaan na uunahin ang kapakanan at interes ng mga Pilipino.


Para naman kay Escudero, bagamat ang “Bagong Pilipinas” slogan ay ‘call’ ng pangulo, ito naman ay maituturing na inspirasyon sa pamahalaan.

Naniniwala si Escudero na hudyat ito ng bagong simula at umaasa ang senador na mahihikayat ng governance slogan na ito ang mga opisyal ng gobyerno at empleyado na hindi mabigatan sa mga naging kabiguan ng nakaraan para mas magampanan nang mahusay at maayos ang kanilang mga tungkulin ngayon.

Matatandaang inatasan ng pangulo ang lahat ng ahensya ng gobyerno na i-adopt ang bagong governance slogan ng administrasyon sa lahat ng kanilang mga programa at proyekto na kumakatawan sa pamahalaang may prinsipyo, pananagutan, at maaasahan.

Facebook Comments