Ilang senador, suportado ang pagkakatalaga ni PBBM sa negosyanteng si Francisco Tiu Laurel Jr., bilang kalihim ng Department of Agriculture

Welcome para kay Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagkakatalaga ni Pangulong Bongbong Marcos kay business tycoon Francisco Tiu Laurel bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA).

Ayon kay Zubiri, si Laurel ay mayroong karanasan at kakayahan na sa pamamahala kaya hindi na bago kung pangangasiwaan niya ang pinakamahalagang ahensya sa bansa.

Ikinatutuwa ni Zubiri na personal na pinamahalaan ng pangulo ang DA at pinangunahan ang pagbuo ng whole-of-government approach sa pagpapatupad ng mga mahahalagang reporma sa agricultural sector na siyang nagpalakas sa ating food security.


Ngayon aniya na ipinasa na kay Secretary Laurel ang tungkulin, umaasa si Zubiri na matutupad ng kalihim ang kanyang mga tungkulin.

Pinuri naman ni Senator Chiz Escudero si Pangulong Marcos na ngayon ay nakapagtalaga na ang presidente ng full-time Secretary ng DA.

Aniya, mayroong malawak na karanasan at kaalaman si Laurel pagdating sa pangingisda at agrikultura.

Dagdag pa ni Escudero, kilala niya si Laurel na sinsero, tapat at masipag sa kanyang tungkulin at inaantabayanan nila na makatrabaho ng Senado ang Kalihim.

Facebook Comments