Suportado ng ilang senador ang pagkakatalaga kay Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez Jr., bilang bagong kalihim ng Department of National Defense (DND).
Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, solido ang record ni Galvez bilang dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaya naman tiyak na makakalusot ito agad sa Commission on Appointments (CA).
Ang tanging maaaring makwestyon lang kay Galvez ay ang naging pagtugon nito sa gobyerno sa gitna ng COVID-19 pandemic noong ito ay vaccine czar at dating chief implementer ng National Task Force Against COVID-19.
Suportado rin ni Senator Christopher Bong Go ang appointment ni Galvez sa DND dahil saksi umano siya sa kakayahan nito pagdating sa crisis management at sa iba pang hinawakang tungkulin.
Inihalimbawa nito ang husay ni Galvez bilang sundalo noong maganap ang Marawi siege at ang pangunguna sa gitna ng pandemya.
Nakatitiyak ang senador na malaki ang magiging ambag ni Galvez sa tagumpay ng administrasyong Marcos.