
Suportado ng mga senador na bigyan si Pangulong Bongbong Marcos Jr. ng kapangyarihan na suspendihin o ibaba ang excise tax sa langis oras na umabot sa $80 ang presyo ng kada bariles bunsod ng gulo sa Middle East.
Ayon kay Senate Majority Leader Migz Zubiri, makatutulong ito para maibsan ang epekto sa bansa ng pagtaas sa presyo ng langis dahil sa tumitinding tensyon sa rehiyon.
Binigyang-diin ng mambabatas na kailangan ng mabilis na pag-aksyon ng pamahalaan para maibsan ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at kuryente.
Nanawagan si Zubiri sa mga kapwa senador na ituring ang request ng pangulo bilang urgent para na rin sa kapakanan ng mga sektor na apektado kapag tumaas ang presyo ng langis at mga produktong petrolyo.
Dagdag naman dito ni Deputy Majority Leader JV Ejercito na isusulong niya ang agarang pagpapasa sa panukalang batas para sa suspensyon ng excise tax sa petroleum products.










