Suportado ni Senator Bong Go ang rekomendasyon nila Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Sherwin Gatchalian na tutukan at palakasin na lamang ang industriya ng business process outsourcing o BPO sa bansa kapalit ng POGO o Philippine Offshore Gaming Operators.
Para kay Go, kinikilala niya na mahalaga ang kita at trabaho mula sa POGO ngunit kung ang resulta naman nito ay ‘social cost’ o negatibong epekto sa lipunan tulad ng mga nagaganap na krimen ay mainam na huwag na lang ang POGO.
Sang-ayon ang senador sa mungkahi ng mga kasamahan na palakasin ang industriya ng BPO dahil makakalikha ito ng maraming trabaho at iba pang oportunidad sa ating mga kababayan.
Samantala, sa nakaraang pagdinig ng Committee on Ways and Means kaugnay sa mga pakinabang ng bansa sa POGO, napag-alaman na maraming POGO ang kulang ang deklarasyon sa kanilang kita para maliit ang ma-i-remit sa gobyerno.
Lumabas sa datos, nasa P1.9 billion ang nawawala na revenue o kita ng pamahalaan mula sa underdeclaration ng mga POGO.