Suportado ng ilang senador ang posisyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kaugnay sa kaso ng kanyang anak na nahuli ng mga otoridad sa isang buy-bust operation sa Las Piñas City.
Sa panawagang magbitiw na dapat si Remulla sa pwesto kasunod ng pagkakasangkot ng anak sa droga, sinabi ni Senator JV Ejercito na alam niyang hindi kukunsintihin ng kalihim ang ginawa ng anak.
Aniya, tatlong dekada na niyang kilala si Remulla at iba aniya ang prinsipyo nito.
Tiwala rin ang senador na labas sa isyu ng ginawa ng anak ang pagiging Justice Secretary ni Remulla dahil batid niya noon pa ang pagkatao nito at dedikasyon sa public service.
Dagdag pa ni Ejercito, nasaksihan niya ang pagiging proud ni Remulla na makatrabaho ang Presidential Management Staff at mapagsilbihan ang pangulo at ang bansa.
Bagama’t hindi nagbigay ng komento kaugnay sa panawagan na resignation kay Remulla, sinabi naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na sincere at self-explanatory ang pahayag ng kalihim na hindi manghihimasok sa kaso ng anak.
Para naman kay Senator Imee Marcos, maliwanag ang naging posisyon ni Remulla sa kaso ng anak habang si Senate President Migz Zubiri ay tumanggi namang magbigay komento sa isyu na magbitiw na si Remulla.