Umaasa ang mga senador na mas mabibigyan ng proteksyon at matitiyak ang kapakanan ng mga artista at mga empleyado ng movie at television industry.
Ayon kay Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada, ang pagkakasabatas sa Republic Act No. 11996, o An Act Protecting the Welfare of Workers in the Movie and Television Industry, ay titiyak sa kaligtasan at maayos na working conditions ng mga manggagawa ng industriya, magreregulate ng oras ng trabaho, magbibigay ng benepisyo, insurance coverage at karapatan para sa collective bargaining.
Masisuguro na rin ang pagpapalakas sa industriya dahil bubuo na rin ng Movie and Television Tripartite Council.
Sinabi rin ng aktor na si Senator Robinhood Padilla na maituturing na “very good news” ang batas na ito para sa lahat ng mga empleyado at manggagawa ng pelikula at telebisyon sabay pasalamat sa kapwa aktor na si Estrada na siyang nagsponsor ng batas na ito sa Senado.
Umaasa si Senator Grace Poe na tulad sa pelikula ay masasabi na rin natin ang “cut” sa mga problema ng mga manggagawa ng entertainment industry matapos ang paglagda sa “Eddie Garcia Law”.
Hiniling ni Poe na maging daan ang batas na ito para mawakasan ang hindi patas, hindi ligtas, at hindi maayos na working conditions ng mga industry workers.