
Hindi pabor ang ilang senior citizen sa ipatutupad na online appointment system ng Kadiwa Center sa Visayas Avenue, Quezon City, ngunit susunod pa rin sila sa patakaran simula Lunes, April 13.
Ayon sa kanila, problema ang kawalan ng cellphone at internet, at ang kakulangan ng kaalaman sa paggamit nito. Gayunpaman, wala umano silang magagawa kung ito ang magiging sistema para makabili ng murang bigas.
Panawagan ni “Tatay Romeo,” alisin na lamang ang online appointment at ibalik sa first come, first served na pila.
Hindi rin pabor sina “Nanay Salvacion” at Elizabeth, na nagsabing mas madali ang pumila dahil wala nang kailangang isipin pang iba.
Ngayong araw ang huling pagkakataon para sa walk-in buyers na makabili ng P20 bigas. Simula Lunes, mahigpit nang ipatutupad ang online appointment system sa naturang Kadiwa Center.










