Sa ating panayam kay tatay Villamor Mauricio, 72 yrs old, apat na dekada ng namamasada sa ilalim ng Pinoma TODA at Presidente rin ng Pinoma Senior Citizen Chapter, sinabi niya na kahit matanda na ito ay malakas pa rin at may disiplina sa pamamasada.
Panawagan nito sa lokal na pamahalaan na huwag sana aniyang lahatin ang mga senior citizens na prone umano sa aksidente dahil marami pa rin naman aniya ang katulad niyang malusog at malinaw pa rin ang paningin.
Inihayag rin nito na kung sakali man na makaramdam na ito ng sakit o hindi na kayang magpasada ay kusa na lamang itong titigil sa pamamasada.
Ibinahagi pa ni tatay Mauricio na nasa 45% umano ang dami ng mga matatanda sa Lungsod ng Cauayan na namamasada pa rin dahil ito ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya.
Samantala, ayon naman sa isa pang driver na 71 years old at tumangging isapubliko ang pangalan, tutol rin ito na limitahan ang edad ng mga pwedeng magsakay ng pasahero dahil gaya aniya ng iba pang tricycle driver ay sila ang breadwinner ng pamilya at ito rin umano ang kanilang tanging hanapbuhay para ipambili ng mga pangangailangan ng kanyang pamilya.
Matatandaan nitong Biyernes ay ipinanukala ni Atty. Sherwin De Luna ng BPLO Cauayan sa sesyon ng City Council na amyendahan na ang ordinansa na dapat hindi na lalagpas sa edad na 70 ang mga mamamasada ng traysikel sa lungsod ng Cauayan at kung maaprubahan ay posibleng maipatupad ito sa susunod na taon.