Pinagsabihan ng ilang senador ang ilang senior officials ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na humarap sa Commission on Appointments para sa kanilang promosyon o pag-akyat ng ranggo.
Kasunod na rin ito sa pahayag ng Chief of Staff ng AFP na si General Gilbert Gapay na dapat itakda sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Terrorism Law ang regulasyon sa social media.
Ayon kay Senator Franklin Drilon, wala sa kahit anong bahagi ng Anti-Terrorism Law ang regulasyon ng social media na pinatotohanan naman ng nag-akda ng batas na si Senator Ping Lacson.
Binalaan din ni Drilon ang militar dahil ang gusto nilang regulasyon sa social media ay maituturing na prior restraint.
Samantala, sinabihan ni Senator Ping Lacson ang militar na mag-ingat sa mga pahayag nito, gaya ng pagsusulong ng regulasyon ng social media dahil lalabag ito sa konstitusyon at hindi nila ito intensiyon nang gawin ang Anti-Terrorism Law.