Sa kabila ng patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, nananatili namang mataas ang Intensive Care Unit (ICU) bed utilization capacity sa ilang lungsod sa National Capital Region (NCR) Plus.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Health Usec. at Treatment Czar Leopoldo Vega na nasa high risk pa rin ang ICU bed utilization capacity sa Makati, Muntinlupa at Rizal province.
Pero paglilinaw ni Usec. Vega kung kabuuang Metro Manila ang pag-uusapan ay nasa 50% o low risk na ang ICU bed utilization capacity.
Ani Vega, nakatulong ang pagiging borderless ng Metro Manila at kalapit na mga lalawigan o yung NCR Plus upang agad na mai-refer ang mga pasyenteng nangangailangan ng intensive care.
Malaking tulong din aniya rito yung pagdaragdag ng critical care capacity maging ang pagtatayo ng mga modular hospital sa kalakhang Maynila.