Nagpakalat ang Lokal na Pamahalaan ng Parañaque ng kanilang mga tauhan sa buong lungsod para i-monitor ang presyo ng mga bilihin.
Ito’y upang masiguro na ang ordinansa hinggil sa price freeze ay nananatili sa lungsod ng Parañaque makaraang maideklara ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon.
Partikular na mag-iikot ang mga tauhan ng Parañaque City Business Permit and Licensing Office at Consumer Welfare Office sa mga supermarkets, public markets, talipapa at iba pang establisyimento na may negosyo sa buong lungsod.
Isa rin itong hakbang upang malaman kung nasusunod din ang presyo ng mga basic commodities base sa suggested retail price ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang mga malalamang lumabag sa kautusan ay sasampahan ng kaukulang kaso, kakanselahin ang kanilang business permit at posibleng malagay sa black list ng pamahalaang lungsod sa utos na din ni Mayor Edwin Olivarez.
Kaugnay nito, muling paalala at panawagan ng lokal na pamahalaan sa mga nagne-negosyo sa lungsod na sumunod sa naturang ordinansa at huwag samantalahin ang pagkakaroon ng krisis sa COVID-19 sa bansa.