Manila, Philippines – Pitong mga testigo kabilang na ang dalawang menor de edad ang humarap sa unang preliminary investigation sa Dept. of Justice kaugnay ng pagpatay kay Kian Loyd delos Santos.
Personal na sinumpaan o nag-subscribe ang mga testigo sa krimen.
Dumating din sa pagdinig ang mga magulang ni Kian at ang apat na pulis ng Caloocan na sinampahan ng kasong murder at paglabag sa anti-torture law na sina Chief Inspector Amor Cerillo, PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Tolete Pereda at PO1 Jerwin Roque Cruz.
Bigo naman ang respondents na makapaghain ng kanilang counter affidavit kaya binigyan sila ng panel of prosecutors ng hanggang Sept. 25 para magsumite at kung mabibigo ay isa-submit na for resolution ang kaso.
Hiniling naman sa pagdinig ni Public Attorney’s Office head Atty. Percida Acosta na isubpoena sa susunod na pagdinig sa Sept. 25 si PNP-IAS Head Atty. Al Fegar Triambula.
Layon nito na matukoy ang pangalan ng John Does o ng iba pang mga pulis na sangkot sa krimen.
Samantala, pormal na ring isinampa sa DOJ ng Public Attorney’s Office ang kasong double murder, Planting of evidence at paglabag sa anti-torture law laban sa mga pulis ng Caloocan na sangkot naman sa pagpatay kina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman.
Ang mga kinasuhan ay sina PO1 Jeffrey Perez, PO1 Ricky Arquilita at Tomas Bagcal, ang taxi driver na sinasabing hinoldap ni Carl ; at John Does.
Nanumpa rin ang tatlong mga testigo kabilang na ang dalawang kaanak ni Carl, na pawang nasa ilalim na ngayon ng Witness Protection Program ng DOJ.