Cauayan City, Isabela- Nag-isyu ng notice of violation ang Department of Trade and Industry (DTI) Isabela matapos makitaan ng paglabag ang ilang tindahan sa ilalim ng RA 4109 o Product Standard Laws.
Sa ulat ng ahensya, nasa limang tindahan habang 2,366 na uncertified appliances at electrical items ang kanilang kinumpiska sa ilang parte ng Santiago City, Cauayan City, Alicia at Ramon.
Hakbang ito ng ahensya sa di umano’y patuloy na bentahan ng hindi sertipikadong produkto at ang paglabag sa trade laws.
Umabot naman sa P164,650 ang halaga ng mga kumpiskadong home appliances at electrical items.
Maliban pa rito, binigyan naman ng notice of violation ang mga tindahang hindi sumusunod sa price tagging sa ilalim ng RA 71 o Consumer Act of the Philippines.
Ginawa ang nasabing hakbang ng ahensya sa ilalim ng isinagawang Comprehensive Monitoring and Enforcement Program.
Mahigpit naman na paalala ng DTI Isabela sa publiko na maging mapanuri sa mga bibilhing produkto at siguruhing sertipikado ito sa ilalim ng Philippine National Standards.