Hati ang reaksyon ng mga transport group kaugnay sa mungkahing gawing “contact tracer” ang mga driver ng pampasaherong jeep.
Matatandaang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ikinokonsdera ng gobyerno na gawing contact tracer ang mga jeepney driver bilang alternatibo nilang hanapbuhay.
Ayon kay Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) National President Mody Floranda, malabong magampanan ito ng mga tsuper dahil hindi naman iyon ang nakasanayan ng sektor ng transportasyon.
Aniya, dapat ay galing sa health sector ang gumagawa ng contact tracing.
Maging si Alliance of Concerned Transportation Organization (ACTO) National President Efren De Luna, tutol sa nasabing panukala.
Duda naman si Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) National President Zenaida Maranan na maibibigay ng gobyerno ang P350 na pa-sweldo para sa mga driver na magsisilbing contact tracers gayong hindi pa sila nabibigyan ng ayuda mula nang mahinto sila sa pamamasada.
Para naman kay Pasang Masda President Obet Martin, handa niyang tanggapin ang alok hangga’t wala silang pinagkakakitaan ngayon.