Ilang transport group, patuloy na inihihirit ang pansamantala na pisong dagdag sa minimum na pasahe

Patuloy na inihihirit ng ilang transport group na payagan muna ang piso na dagdag sa minimum fare.

Ito ay habang hinihintay pa ang desisyon ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board kaugnay naman sa kanilang hiling na ₱14 hanggang ₱15 na minimum na pamasahe.

Sabi ni 1-Utak president Vigor Mendoza, hindi malabong bumalik sa pamamalimos ang mga tsuper kung walang magiging aksyon ang gobyerno sa kabila ng lingguhang pagtaas ng presyo ng langis.


Kung hindi aniya makakapaglabas ng desisyon ang LTFRB sa kanilang susunod na pagdinig sa Marso 22 ay susubukan naman nila itong iakyat sa Korte Suprema.

Samantala, iginiit naman ng LTFRB na kakulangan ng dokumento mula sa mga petitioners ang dahilan kung bakit hindi naaprubahan ang petisyon sa ginawang pagdinig noong Martes.

Sa kasalukuyan, mananatili muna sa siyam na piso ang minimum na pasahe habang wala pang nagiging desisyon ang LTFRB.

Una nang sinabi ng LTFRB na kinakailangan ding mabalanse ang interes ng publiko lalo na’t maaaring makaaapekto ito sa ekonomiya.

Facebook Comments