Ilang transport groups, inurong ang tatlong araw na malawakang transport strike

Manila, Philippines – Iniurong na ng grupong Alliance of Transport
Organizations ang banta nilang tatlong araw na malawakang transport strike.

Ito ay matapos na tiyakin ni LTFRB Chairman Martin Delgra na walang
mangyayaring phase out sa mga pampasaherong jeep.

Ayon kay ACTO National President Efren De Luna – naniniwala pa rin sila sa
pahayag ng administrasyon na walang ipi-phase out.


Una nang sinabi ni Delgra na imbes na i-phase out, imo-modernize ang mga
pampasaherong jeep para na rin sa kapakanan ng mga pasahero.

Giit pa ni Delgra – magkakaroon din ng transition period para hindi mabigla
ang mga operator sa gastos sa modernisasyon.

Kailangan din aniya na isaayos ang dami at klase ng public transport para
sa ibat ibang ruta at gumawa ng consolidate group ng operators.

Pero, kontra ang transport group sa plano ng LTFRB na pagsama-samahin sa
isang malaking grupo ang mga operator.

Ayon kina De Luna, Zenny Maranan ng Fejodap at Boy Bargas ng Alto-Pad –
kailangang ipaliwanag ng mabuti ng ltfrb ang planong consolidate group ng
operators.

Bukod sa consolidate group – itinutulak din ng LTFRB ang automatic fare
collection system sa mga jeep, gaya ng paggamit ng beep card sa LRT at MRT.

 

Facebook Comments