Ilang transport groups, patuloy na umaaray sa walang prenong oil price hike

Umaapela ang ilang transport groups sa pamahaalan na tugunan na ang problema sa mataas na presyo ng langis.

Sabi ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) President Ricardo Rebaño, maraming miyembro nila ang naghahanap na ngayon ng ibang mapagkakakitaan dahil sa walang prenong oil price hike.

Bago niyan, sinabi ng Unioil na nasa mahigit ₱6 ang nagbabadyang taas presyo sa kada litro ng diesel sa susunod na linggo habang mahigit ₱2 naman sa kada litro ng gasolina.


Kasunod nito, sinabi ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) national president Mody Floranda na pinadadapa na ng oil price hike ang transport sector lalo na’t karamihan sa kanila ay nasa ₱300 na lamang ang naiuuwing kita pagkatapos ng 12 hanggang 18 oras na biyahe.

Dahil diyan, iminumungkahi ni Rebaño sa pamahalaan na tulungan na lamang sila na makabili ng modern jeep o kagaya ng e-jeepneys upang hindi na sila dumepende sa petrolyo.

Samantala, ngayong hunyo ay nasa kalahati pa lamang o 180,000 mula sa kabuuang 377,000 na kwalipikadong public utility vehicle (PUV) drivers ang nakatanggap ng kanilang p6,500 na fuel subsidy ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Facebook Comments