Kasabay ito ng sitwasyon ng tulay na hindi madaanan ng ilang araw dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig bunsod ng naging epekto ng bagyong Karding.
Sa ating panayam kay Jun Abu, 39 taong gulang at residente ng Barangay Alicaocao, pinili na lamang nitong makipila sa bahagi ng tulay dahil mas nakakasiguro aniya ito na mayroon itong maisasakay na pasahero at mayroon siyang kikitain.
Kadalasan kasi na sa tuwing hindi madaanan ang Alicaocao overflow bridge, karamihan sa mga residente mula East Tabacal at Forest region na palabas sa kanilang lugar ay sumasakay na lamang sa bangka para makatawid sa ilog at ibinababa naman sa bungad ng barangay Alicaocao.
Para makarating sa kanilang pupuntahang lugar, sasakay naman ang mga ito sa mga nakapilang traysikel na mula naman sa iba’t-ibang TODA sa Lungsod.
Ayon pa kay Abu, tatlong anak ang kanyang pinapaaral kaya kailangan nitong dumiskarte at mag-overtime sa pamamasada para maibigay pa rin ang pangangailangan ng kanyang pamilya.