Ilang vaccination site, bubuksan para sa pediatrics vaccination ngayong araw sa Las Piñas

Naglabas na ng abiso ang Las Piñas City government kasunod ng ilulunsad nilang pediatric vaccination para sa edad 12 hanggang 17 anyos ngayong araw ng Miyerkules.

Base sa kanilang abiso, inanyayahan ang mga magulang na residente ng Las Piñas City na nakapagparehistro ng mga kabataan na may edad 12-17 anyos na magtungo sa mga bubuksang vaccination site sa lungsod.

Ayon sa lokal na pamahalaan, sa mga kabataan na may comorbidity o may karamdaman ay maaari silang magtungo sa Las Piñas General Hospital at Satellite Trauma Center at sa University of Perpetual Help System Dalta.


Bubuksan din ang SM Center Village Square hanggang alas-5:00 ng hapon para sa target pa rin na Pediatric General Population.

Ngayong araw naman mula alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-5:00 ng hapon ay bubuksan ang mga vaccination site sa SM South Mall at Robinson’s.

Gayundin sa The Tent na bukas mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon kung saan ay kailangan lamang ng ID ng babakunahan o kaya ay birth certificate, dokumentong magpapatunay ng kaugnayan o relasyon ng bata sa magulang.

Facebook Comments