Naglabas na ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang Bureau of Immigration (BI) laban kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gen. Gerald Bantag at BuCor Deputy Ricardo Zulueta.
Sa ilalim ng kautusan, mahigpit na tututukan ang itinerary at paglabas ng dalawa sa bansa dahil sa pagkakasangkot sa Lapid-Palaña slay case.
Kasunod din ito sa nauna nang inilibas na urgent memorandum ng Department of Justice (DOJ) kung saan binigyang-diin ang panganib nang paglabas ng dalawa sa bansa para makaiwas sa kaso.
Nilinaw naman ng DOJ na ang ILBO ay para lamang sa monitoring ng dalawa at hindi upang pigilan ang paglabas nila sa bansa.
Samantala, pinaiimbestigahan na rin ng DOJ sa National Bureau of Investigation (NBI) ang alegasyon ng dalawang Persons Deprived Liberty (PDL) na umano’y sinaksak sila ni Bantag.
Matatandaan noong Lunes, iprinisenta ni BuCor Officer-in-Charge Gregorio Catapang Jr., ang mga bilanggong sina alyas “Luis” na sinaksak umano sa kanang hita at si alyas “Rodel” na sinaksak sa palad.
Ayon sa dalawa, lasing si Bantag nang saksakin sila nito noong February 1, 2021 at ikinagalit din kasi ng dating BuCor chief ang jailbreak na naganap noong Enero.