20% discount ng mga senior citizen sa road toll prices, isinulong sa Kamara

Isinulong ni Quezon City Rep. Marvin Rillo na mabigyan din ng 20-discount sa toll fees ang mga senior citizen.

Nakapaloob ito sa House Bill No. 5277 na inihain ni Rillo na layuning mabawasan ang bayarin ng mga lolo at lola sa mga expressway sa pamamagitan ng radio frequency identification (RFID) o iba pang kaparehong devices.

Base sa panukala, para makamit ang diskwento sa toll fee ay dapat nakarehistro sa senior ang behikulo na dadaan sa expressway.


Para makamit ito ay kasamang isusumite ang ID card sa expressway o skyway operator para sa RFID installation.

Inaatasan ng panukala ang Department of Transportation Toll Regulatory Board at iba pang kinauukulang ahensya na ipatupad ang diskwento.

Ang panukala ni Rillo ay umaayon sa mandato ng 1987 Constitution sa estado na iprayoridad ang karapatan at kapakanan ng mga nakatatanda.

Facebook Comments