
Naglabas ng notice of violation ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)-MIMAROPA laban sa mga proponent ng itinatayong El Nido Motocross Race Track Project sa Barangay Villa Libertad, El Nido, Palawan.
Ito ay kasunod ng malawakang development sa lugar nang hindi kumukuha ng kinakailangang Environmental Compliance Certificate (ECC).
Ayon sa DENR, ang gawaing ito ay malinaw na paglabag sa section 4 ng Presidential Decree No. 1586 o ang Philippine Environmental Impact Statement (EIS) System.
Batay sa isinagawang inspection ng ahensya noong February 23, saklaw ng proyekto ang mahigit 1.4 ektaryang lupa na kailangan ng ECC bilang tourism and leisure projects.
Dahil dito, pinagsusumite ng DENR ang project proponent ng isang notarized position paper sa loob ng labinlimang (15) araw at inaatasan na itigil ang lahat ng gawain hanggang makakuha ng ECC.
Iginiit ng DENR na walang proyektong maaring ituloy kung walang pagsunod sa environmental laws upang mapanatili ang pangangalaga sa ecological integrity ng Palawan at iba pang lugar sa bansa.










