Nasubaybayan ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang iligal na presensya ng limang Chinese Coast Guard vessels sa territoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, sinabi ni NTF-WPS Spokesperson Assistant Secretary Omar Romero na tatlo sa mga barko ay nasa Bajo de Masinloc, isa sa munisipyo ng Kalayaan, at isa sa Ayungin Shoal.
Ngunit wala naman aniyang naiulat na insidente sa pagitan ng mga lokal na mangingisda at Chinese Coast Guard sa Kalayaan at Bajo de Masinloc sa loob ng tatlong linggo hanggang nitong April 22.
Sa ngayon, bilang sagot sa aksyon ng mga Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea, pinalakas ng NTF-WPS ang pagpapatrolya sa lugar.
Maliban aniya sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ide-deploy na rin ng PNP Maritime Group ang kanilang mga high-speed tactical watercraft, police gun boats, at police fast boats para sa law enforcement patrols sa Kalayaan.
Nag-deploy na rin ng mga barko at eroplano ang militar upang magsagawa ng regular na sovereignty patrols sa munisipyo ng Kalayaan, Bajo de Masinloc at buong western seaboard ng bansa.