Manila, Philippines – Minamadali na ng palasyo ng Malacañang ang pagpapauwi sa 46 na iba pang Pilipinong mangingisda na kasalukuyang nakakulong sa Indonesia dahil sa illegal fishing.
Ito ay matapos makauwi ang 31 pang Pinoy na mangingisda na nakauwi sa bansa mula sa Indonesia nitong nakaraang weekend.
Ayon kay Special Assistant to the President Secretary Bong Go, alam naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sitwasyon ng mga Pilipinong mangingisda sa Indonesia at pinakikilos na nito ang mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan na pinangungunahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) para mabilis na mapauwi ang mga ito at makapiling na ang kanilang mga pamilya.
Sinabi ni Go na plano ni Pangulong Duterte na kausapin si Indonesian President Joko Widodo sa papararing na ASEAN Summit sa Singapore para ilapit ang kaso ng mga Pinoy na mangingisda sa kanilang bansa.