Cauayan City, Isabela – Nakaiskor ang Benito Soliven Police Station laban sa mga illegall loggers sa dalawang magkasunod na operasyon.
Kasama ang CENRO Naguilian, dalawang magkahiwalay ang naikasang pagsabat sa libu libong board feet ng punong kahoy at nagresulta sa pagkakahuli ng siyam na katao.
Ayon kay P/Capt. Krismar Angelo Casilana, COP ng PNP Benito Soliven, nangyari ang unang panghuhuli noong December 11, nang tangkaing ipuslit ng tatlong kalalakihan ang tinatayang 1,000 board feet na pinutol na kahoy. Kinilala ang mga suspek na sina Ron Ron Manaois, 23, residente ng Brgy. ibujan, Josmel Tabotabo, 20 ng Brgy. Cataguing at ang may ari ng sasakyan na siya ring itinuturong may ari ng kahoy na si Francisco Pascaran, 28 na taga Brgy. Zone 2, pawang sa San Mariano, Isabela.
Batay sa imbestigasyon, galing sa Brgy. Ibujan ng nabanggit na bayan ang mga pinutol na kahoy at nasabat ito sa Dist 1, Benito Soliven pasado alas diyes ng gabi.
Samantala, naging matagumpay ang pagkakahuli sa anim na kataong nagsikap na ipuslit ang dalawang truck ng common hard wood.
Pinangalanan ang mga suspek na sina Jomer Batoon, 19, Marvin Felipe, 18, Jaymar Velarde,18, Jaymar Quilang, 18, ang tatlong magkakapatid na Lopez na sinasabing may ari ng kahoy na sina Ryan Jay, Rey Julius at Reynaldo, pawang mga taga Brgy. Dicamay, San Mariano, Isabela.
Batay pa sa ulat ng PNP Brenito Soliven, nasabat ang humigit kumulang 2, 000 boardfeet ng kahoy sa Brgy. Guilingan, Benito Soliven, Isabela pasado alas dose ng madaling araw noong December 12 taong kasalukuyan.
Sinadyang tinabunan ng ipa ng palay ang mga nasabing iligal na pinutol na kahoy para hindi ito mapansin.
Ang mga suspek ay pansamantalang nakalaya matapos makapaglagak ng piyansa samantalang ang mga nahuling sasakyan ay nasa kustodiya ng CENRO Naguilian.
Sa kabila nito ay mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 705 o mas kilala bilang Forestry Reform Code of the Philippines.