
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) ang ibinabang hatol na guilty ng Regional Trial Court Branch 152 ng Biñan City, Laguna laban sa isang illegal recruiter.
Ayon sa DMW, ang convicted illegal recruiter na si Esther Dichoso ay nangako ng trabaho sa Jordan sa isang aplikante kahit wala itong lisensya mula sa DMW.
Nabatid na nangako si Dichoso sa aplikante ng trabaho sa Jordan bilang dental assistant na may sahod na USD 200 kada buwan.
Pero napunta siya sa Syria at sapilitang pinagtatrabaho bilang domestic helper.
Anim na buwan na nakaranas ng pisikal na pang-aabuso ang biktima mula sa kanyang amo at hindi rin ito binayaran ng sahod.
Sinubukan niyang tumakas sa kanyang amo nang dalawang beses kung saan sa pangalawang pagkakataon, tumalon ito sa bakod kaya na-ospital siya ng anim na buwan.
Sa hatol ng korte, makukulong si Dichoso ng 12 hanggang 14 na taon, bukod sa isang milyong pisong danyos na babayaran niya sa biktima.
Patuloy pa rin siyang tinutugis ng mga awtoridad gayundin ang kanyang kasabwat na si Marites Hesita Tamayo.