Payapang naisakatuparan ang paggiba sa mga kabahayan na iligal na itinayo sa Sitio Lagis, Brgy. Sindun Bayabo, City of Ilagan ngayong araw
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM cauayan, umabot sa animnapung (60) kabahayan ang kanilang giniba matapos na iligal na okupahan ang naturang lugar na pag aari ng pamahalaan.
Una dito ay pinulong ni Governor Bojie Dy ang ilang ahensya at sangay ng Pamahalaang Panlalawigan gaya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Provincial Engineering Office (PEO) na nagbigay ng ilang kagamitan tulad ng bulldozer, Philippine National Police, Philippine Army, Lokal na Pamahalaan ng Ilagan at San Mariano.
Batay sa direktiba ng gobernador, kailangang tanggalin ang lahat ng mga bagay o anumang istraktura sa naturang lugar upang bigyang daan ang rehabilitasyon ng Ilagan-Divilacan Road sa nasabing lugar.
Sa ngayon ay pinag aaralan pa ng pamahalaan ang susunod na hakbang kaugnay sa mga nawalan ng tirahan.