Matapos na malinis ang Divisoria sa Maynila sa mga sidewalk vendors, kinalampag na rin ngayon ng grupo ng mga lehitimong stall owners sa Baclaran si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.
Sa interview ng RMN Manila kay Richard Navarro, miyembro ng mga lehitimong stall owners – nanawagan ito na magkaroon sana ng political will ang kanilang alkalde upang linisin din ang Redemptorist road sa mga illegal vendors.
Giit ni Navarro, wala na silang kinikita dahil hinarangan na ng mga sidewalk vendors ang kanilang mga stall na nagdudulot din ng matinding traffic sa lugar.
Agad naman tumugon si Parañaque City Mayor Olivarez sa reklamo ng mga lehitimong stall owners.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Olivarez – sinisikap nilang bigyan ng pansamantalang lugar ng pagtitindihan ang mga illegal vendors sa Baclaran habang itinatayo ang permanenteng stall para sa kanila.
Tiniyak din ng alkalde na mahigpit na ipinapatupad ang mga ordinansa sa Barangay Baclaran upang masiguro na hindi makakasagal sa daloy ng trapiko ang mga sidewalk vendors.