Iloilo City, aapela sa IATF na ibaba sa GCQ ang quarantine status ng lungsod

I-aapela ng Iloilo Local Government Unit (LGU) sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na ibaba sa General Community Quarantine (GCQ) ang status ng lungsod.

Nitong Biyernes, September 25, 2020 nang isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Iloilo City dahil sa pagsipa ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, ngayong weekend ay magpapadala siya ng liham sa IATF para hilingin na ibalik ang lungsod sa GCQ simula bukas, September 28, 2020.


Natalakay na niya ang usapin kina IATF Chair Defense Secretary Delfin Lorenzana at Interior Undersecretary Epimaco Densing III.

Nagkaroon din aniya ng pulong ang LGU sa City COVID Team at sa business community kung saan nabanggit na wala ng bagong kasong naitatala sa ilang barangay sa lungsod na isinailalim sa total lockdown.

Dagdag pa ng alkalde, patuloy silang tatanggap ng returning residents basta’t negatibo ang mga ito sa kanilang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) swab test na isinagawa tatlong araw bago ang kanilang biyahe.

Facebook Comments