Imbentaryo sa Nabistong Pagawaan ng Pekeng Yosi sa Isabela, Nagpapatuloy

Cauayan City, Isabela- Hindi pa rin tumitigil sa ginagawang pagsisiyasat at imbentaryo ang BIR Region 02, DTI, PNP Isabela, PDEA at ilan pang mga ahensya ng pamahalaan sa nabistong Rice Mill na pagawaan pala ng pekeng mga sigarilyo sa brgy. Palattao, Naguilian, Isabela.

Kasalukuyan pa rin ang isinasagawang lab test ng PDEA Isabela sa mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng sigarilyo at imbentaryo sa mga ginagamit na makina.

Sa patuloy na pagtutok ng 98.5 iFM Cauayan News Team, nabatid na nasa labing isang (11) babae at 184 na mga lalaki ang trabahador sa bodega at nasa edad labing siyam (19) ang pinakabata sa mga ito.


Ang mga trabahador na na-recruit mula pa sa Visayas at Mindanao ay kasalukuyang nakakordon at binabatayan ng mga otoridad sa nasabing bodega.

Nakilala na rin ang isa sa apat na nahuling Korean Nationals na si Steven Tion.

Samantala, dumating na rin sa area ang pinuno ng PNP Isabela na si P/Col James Cipriano upang personal na inspeksyunin ang nasabing pagawaan ng mga pekeng sigarilyo.

Magugunitang nasabat kahapon sa checkpoint ng PNP Naguilian ang isang Truck na naglalaman ng karto-kartong sigarilyo na naging daan sa pagkakadiskubre sa warehouse na taong 2019 pa nagsimulang mag-operate.

Facebook Comments