Imbes na magnakaw, trespasser nilinis ang pinasok na bahay

Image via Nate Roman
Kakaibang eksena ang bumungad sa isang mag-ama mula sa Estados Unidos pagkauwi galing trabaho.
Imbes na pagnakawan, nilinis nang hindi pa nakikilalang salarin ang kanilang tirahan.
Kuwento ni Nate Roman mula sa Marlborough, Massachusetts, nakita ng kanyang anak na hindi naka-lock ang pintuan ng tinitirahan.

Habang nag-iinspeksyon, napansin nilang naging maayos ang ibang parte ng bahay. Hindi na din makalat ang kuwarto ng kanyang supling.
“Rugs were vacuumed, everything was neat and put away.”
Agad tumawag ng pulis si Roman para iulat ang nangyari. Tinanong ng mga imbestigador ang kanilang kapitbahay kung may nakita silang kahina-hinalang taong umaaligid sa paligid ngunit negatibo ang mga naging sagot.
“No crime happened, nothing was missing or damaged, so the police have very little to go on,” sabi pa ni Roman.
Hindi naka-set ang security system sa loob ng bahay dahilan para hindi gumana ang cameras na magpapakita sana sa nangyari sa loob ng bahay. Tinatayong umabot ng 90 minuto ang itinagal ng intruder.
Makaraan ang ilan pang oras, nakita ni Roman ang toilet paper roses sa loob ng kanilang bathroom. Kaya nagkaroon siya ng ideya na maaring professional ang gumawa nito.
Unang hinala ni Roman, isang cleaning service na nagkamali ng address ang pumunta sa kanila upang maglinis ng bahay. Subalit nabago ang paniniwalang ito dahil naiwang marumi ang kusina.
Agad pinalitan ni Roman ang lahat ng lock sa kanilang bahay at naging maingat sa pagbubukas ng cabinet sakaling may kakaibang bagay na nasa loob nito.
Itinabi naman niya ang toilet paper roses bilang souvenir.
Facebook Comments