Manila, Philippines – Handang harapin ni COMELEC Chairman Andres Bautista ang mga imbestigasyon kaugnay ng umano’y mga tagong yaman na aabot sa higit isang bilyong piso.
Ito’y matapos akusahan siya ng kanyang asawa na si Patricia Paz Bautista kung saan nadiskubre nito ang mga bank passbooks at real properties documents sa kanilang bahay na hindi idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networths (SALN).
Mariing itinanggi ni poll body chief ang paratang ng kanyang misis at iginiit na ginagamit lamang siya ng ilang mapagsamantalang tao para sa kanilang political agenda.
Depensa pa ni Bautista ay idineklara niya sa kanyang SALN at mga accounts na sinasabi ng kanyang asawa na wala sa kanyang SALN ay pawang mga fake accounts.
Samantala, inatasan na ng Dept. of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation na magsagawa ng imbestigasyon sa mga akusasyon laban kay Bautista.