Pinapurihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Gamboa dahil sa kaniyang katatagang resolbahin ang isyu ng narco cops sa kanilang hanay.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, mahalaga ito para makapagtrabaho na nang matino ang mga pulis.
Hinikayat ng DILG chief ang 357 na pulis na nasa narco list na patunayang wala silang kaugnayan sa iligal na droga.
Ani Año, nasa mga pinaparatangan ang burden of proof sa pamamagitan ng pagprisinta ng mga ebidensya na magpapatunay na wala silang kinalaman at kaugnayan sa iligal na gawain.
Ang mga nasa narco list ay kailangang makalusot sa mahigpit na pagbusisi ng apat na ahensya.
Kailangang nagkakasundo ang PNP, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa pagdeklarang malinis ang nasa narco list.