Imbestigasyon ng 5-man committee sa 3rd level officials ng PNP, malapit ng simulan

Gugulong na ang imbestigasyon ng binuong 5-man committee sa 3rd level officers ng Philippine National Police (PNP) na bahagi ng layuning linisin ang buong hanay ng pulisya partikular na sa droga.

Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Red Maranan, anumang araw ay sisimulan na ang imbestigasyon sa mga heneral at full pledge colonels na naghain ng kanilang courtesy resignation.

Hanggang sa susunod na Martes o Jan. 31 na lamang kasi ang deadline para sa paghahain ng courtesy resignation.


Aniya, isa-isang bubusisiin ng itinatag na komite ang pangalan ng bawat high ranking officials na nagsumite ng kanilang pagbibitiw.

Habang ang mga police officials na tatanggapin ang courtesy resignation ay sasalain pang maigi ng National Police Commission bago isumite sa punong ehekutibo ang listahan para sa approval.

Base sa pinakahuling datos ng PNP umaabot na sa 942 na mga 3rd level officials ang nakapaghain na ng kanilang courtesy resignation.

802 sa mga ito ay pawang mga koronel, habang nasa 138 naman ang mga heneral, at isa ang mula sa Internal Affairs Service kung saan 11 na lamang ang hindi pa kumakasa sa hamon ni SILG. Benhur Abalos.

Facebook Comments