Magpupulong ngayong araw ang mga miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability na kilala rin bilang House Blue Ribbon Committee.
Ayon sa chairman ng Komite na si Manila 3rd District Rep. Joel Chua, kanilang tatalakayin ang pagsasapinal ng imbestigasyon ukol sa kwestyunableng paggastos ng ₱612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.
Sabi ni Chua, target nilang matapos na ang imbestigasyon bago magsimula ang proseso ng impeachment laban kay Duterte.
Paliwanag ni Chua, sakaling matuloy ang impeachment process ay hahayaan na lang nila na doon sagutin ang mga katanungan sa ikalawang pangulo.
Dagdag pa ni Chua, hindi na rin ipatatawag ng Komite ang dalawang security officer ni VP Duterte na tumanggap ng confidential funds dahil ang mga ito ay iniimbestigahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).