Nakahandang makipagtulungan ang Commission on Human Rights sa International Criminal Court sa gagawin nilang imbestigasyon kaugnay sa drug war ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa interview ng RMN Manila, tiniyak ni CHR Commissioner Leah Armamento na bagama’t wala pang pormal na request sa kanila ang ICC ay pwede silang magbigay ng mga datos na kanilang nakalap.
Sa kabila nito, sinabi ni Armamento na tatayo pa rin ang mga ebidensiya para magpatuloy ang imbestigasyon kahit harangin ng Malacañang ang pagpasok ng mga miyembro ng ICC sa Pilipinas.
Samantala ayon kay Armamento, naniniwala siyang kaya gustong tumakbo ni Pangulong Duterte bilang bise presidente sa 2022 elections ay upang makatakas sa posibleng mga kakaharaping kaso sa ICC.
Saklaw ng gagawing imbestigasyon ng ICC ang mga kaso ng pagpatay mula noong November 1, 2011 hanggang March 16, 2019.