Imbestigasyon ng Kamara sa SAP, pinasisimulan na

Kinalampag ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang liderato ng Kamara na simulan na ang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang transaksyon sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang nasabing iregularidad sa multi-billion na pamamahagi ng SAP ng DSWD ay nakasaad rin sa 2020 Commission on Audit (COA) report.

Nitong Agosto na ipinatupad ang huling Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay nagpaalala si Zarate sa administrasyon na huwag hayaang gawing “money-making scheme” nanaman ang pamamahagi ng ayuda.


Pero umabot pa rin ng 2 buwan bago natapos ang distribusyon ng SAP.

Nais ng kongresista na mabusisi na kaagad ng Mababang Kapulungan kung bakit napakabagal ng pamamahagi ng ayuda na ilang beses ng ginagawa at kung sa paanong paraan ibinigay ang cash aid sa mga beneficiary.

Sa House Resolution 2146 ay sisilipin din ang P10.4 billion na nawawalang pondo mula ss P14 billion na kabuuang pondo para sa SAP.

Dagdag pa sa mga bubusisiin ang mga hindi pa rin nakatanggap ng second tranche ng SAP at ilang problema sa paggamit ng e-wallet application at iba pang financial service providers.

Facebook Comments