Pabor pa para kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang ginagawang imbestigasyon ng Kamara sa “war on drugs” ng dating Duterte administration.
Bagama’t naunang naghayag si Dela Rosa na hindi haharap sa imbestigasyon ng Kamara pero nagpapasalamat naman ang senador sa pagsisiyasat ng Mababang Kapulungan dahil naipapakita nito sa international community na gumagana ang criminal justice system ng bansa.
Malinaw aniya na naipapakita sa international community na hindi naipagkakait ang hustisya sa Pilipinas dahil bukod sa gumagana ang ating criminal justice system, naririyan din ang lehislatura na nag-iimbestiga.
Patunay lamang din aniya ito na hindi kailangan ng bansa ang International Criminal Court (ICC) partikular na sa pagkamit ng hustisya sa mga kaso ng bansa.
Hindi aniya uubra ang ICC sa Pilipinas dahil kailangan walang umiiral na criminal justice system sa teritoryo at ang mga lokal na otoridad ay hindi inaaksyunan ang mga kaso bagay na mayroon naman lahat ang bansa.