Imbestigasyon ng NBI kay NCRPO Chief Debold Sinas, tuloy pa rin kahit na dinepensahan ito ni Pangulong Duterte

Tuluy-tuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kontrobersyal na “mañanita” ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Debold Sinas.

Ito’y kahit pa dinepensahan si Sinas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng mga alegasyong lumabag ang pinuno ng NCRPO at mga kasamahang pulis sa quarantine guidelines makaraang mag-birthday party kahit pa umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Ayon kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, nagpapasalamat ang NBI sa NCRPO dahil sa kooperasyon nito sa imbestigasyon kung saan nagsumite na kahapon ng letter of explanation ni Sinas.


Tiniyak ni Lavin na itutuloy ng NBI ang pagsisiyasat kay Sinas, alinsunod na rin sa kautusan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra.

Sinabi pa ni Lavin na pag-aaralan ng NBI ang paliwanag ni Sinas at aalamin din kung may iba pang opisyal ng pulisya na kailangang pang ipatawag at pagpaliwanagin.

Matatandaan na nauna nang naghain ang Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) sa Taguig City Prosecutor’s Office ng criminal charges laban kay Sinas dahil sa mañanita sa kasagsagan ng ECQ kung saan ipinagbabawal ang mga pagtitipon o mass gathering.

Facebook Comments