Manila, Philippines – Walang plano ang Palasyo ng Malacañang na harangin ang isinasagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kay Pangulong Rodrigo Duterte sa umano ay tagong yaman nito.
Ito ay sa harap na rin ng expose ni Senador Antonio Trillanes IV na mayroon umanong sekretong bank accounts si Pangulong Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, malinaw naman ang naging pahayag ni Pangulong Duterte na malaya naman ang sinoman na usisain ang kanyang yaman.
Sinabi ni Abella na tiwala sila na magiging patas ang Ombudsman sa kanilang ginagawang imbestigasyon.
Matatandaan na makailang beses na ring binanatan ni Pangulong Duterte si Ombudsman Conchita Carpio Morales dahil umano sa pagiging selective sa pagtupad ng kanyang tungkulin.