Imbestigasyon ng PNP-Internal Affairs Service kay Police Supt. Cristina Nobleza, natapos na

Manila, Philippines – Natapos na ang imbestigasyon ng PNP-Internal Affairs Service kay Police Supt. Maria Cristina Nobleza.

Si Nobleza ang pulis-Davao na inaresto sa Bohol kasama ang karelasyong miyembro umano ng Abu Sayyaf Group na si Reenor Dongon.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa Camp Crame at nasa kustodiya ng intelligence group ng PNP.


Ayon kay PNP-IAS chief atty. Alfegar Triambulo – handa nang gawin ang pre-charge investigation at anumang oras, bibigyan ng notice si Nobleza para makapagsumite ng sagot para sa kasong ‘conduct unbecoming of an officer’.

Ito’y matapos umanong mabahiran ni Nobleza nang masamang imahe ang PNP dahil sa pagkakasangkot sa teroristang grupo.

Maliban dito, inihahanda na rin ang kasong ‘grave misconduct’ laban kay Nobleza dahil sa paglabag sa batas gaya ng pag-aari ng baril na walang lisensya at pag-alis sa opisina sa Davao City nang walang paalam.

Facebook Comments